“Hello, I’m Gelo, can you be my txmyt?” ang sabi sa mensahe nang buksan iyon ni Janine. Tuwang-tuwa niya itong nireplayan. “Xur! Hmm, wer did u got my #?” tanong nito sa ka text. “Sa dyaryo,” tugon nito sa tanong niya. Naalala nga pala niyang pina publish niya ang kanyang numero sa isang column ng dyaryo nang minsang nagbasa siya nito. “Na publish nga talaga ang numero ko,” aniya sa sarili. Mahilig talaga sa textmate si Janine. Sa tuwing nag mi-meet sila ng textmate niya ay tinitingnan muna niya ito. Kung pangit ay hindi siya makikipagkilala rito at kung gwapo naman ay agad siyang lumalapit at magpakilala. Wala naman talaga siyang nakukuha sa pakikipag textmate niya dahil pakatapos nilang mag-eyeball ng mga nakakatext niya ay bigla na lang itong mawawala at hihinto sa pakikipagtext sa kanya. Gayunman, patuloy pa rin si Janine sa pag entertain ng mga textmates. Kapag walang perang pang eyeball o pamasahe ay kasihodang mangutang ito sa mga kaibigan para may pang eyeball lang. Tindera si Janine sa isang maliit na botik na pagmamay-ari ng tiyang niya. Sa tuwing may ka eyeball ito ay pinapatingnan na lang niya sa kaibigang si Kathy ang binabantayang botik. Hindi naman masyadong kalakasan ang maliit na botik ng kanyang tiyang kaya pupuwede lang ipagbilin sa kaibigan. Kapag may bumili ay pinalilista na lamang ni Janine kay Kathy kung anong item ang nabenta.
“Ano ba talaga ang makukuha mo diyan sa pakikipagtextmate mo, Janine?” ang tanong minsan ni Kathy sa kaibigan. “Wala lang, talagang nai-excite lang ako sa tuwing mag-a-eyeball kami ng mga ka textmates ko, lalo na’t pag guwapo. ‘Pag hindi naman ay hinayaan ko na lang manigas sa kahihintay sa akin dahil hindi ko sila sinisipot, hihi.” Napahagikhik nitong sabi sa kaibigan.“Hayyy naku, kung ako sa iyo itigil mo na iyang pakikipag textmate at pakikipagkita mo sa mga ‘di mo kilala, baka makatsamba ka’t disgrasya pa ang aabutin mo” sabi ni Kathy. “Huwag ka ngang kontrabida, dito ako nag-eenjoy kaya suportahan mo na lang ako,” tugon ni Janine sabay kindat sa kaibigan. Isang linggo pa lang na magka text sina Gelo at Janine ngunit napag kasunduan na ng dalawa na magkikita sa makalawa. “Kat! Kat!” humahangos na tawag nito sa kaibigan.“O, napaano ka?”“ Pakitingnan mo uli ang botik ha? Kasi nandun na raw si Gelo sa meeting place namin. Ikaw na ang bahala dito,” wika ni Janine na nagmamadaling umalis.“As usual, ano pa nga ba?” napabuntong-hininga na lang na sabi ng kaibigan.Tindera din si Kathy sa isang selected ukay-ukay botik na katabi lamang ng binabantayang botik ni Janine. Naiinis na rin siya sa mga pinagagawa ng kaibigan. Ngunit wala siyang magawa para pigilan ito. Nakaisang libong advices na ata siya dito pero kahit kaylan ay ‘di nito sinusunod ang mga payo niya. Napipigilan pa ang baha pero ang pakikipagkita ni Janine sa mga katextmates nito ay hindi! Paikot-ikot pa si Janine sa salamin ng powder room ng mall kung saan sila magkikita ni Gelo. Dumaan muna siya dito sandali dahil gusto niyang maka siguro kung ano ang ayos niya at hitsura. Ayaw niyang mapahiya sa ka textmate.“Ah okay na itong ayos ko, ang ganda!” bulalas niya sa sarili.
Pulang-pula ang suot nitong lipstick, ang mukha nito ay napakaputi na waring hinablot sa libingan dahil sa makapal na pagakakalagay ng pulbo nito sa mukha. Ang suot naman nitong kulay pulang blusa ay pinarisan ng kulay berdeng skirt na hindi naman bagay dito. Napakabaduy tingnan. Marami pa itong mga accessories sa buhok nito na iba’t-ibang kulay. At ang pinaka center of attraction sa lahat ay ang kulay dilaw na hikaw nito sa tenga na abot hanggang balikat nito. Nagmistula siyang christmas tree sa paningin ng mga nakakasalubong. Naging katawa-tawa ang ayos niya at hindi siya aware dito. Feeling niya ay napakaganda niya sa ayos niya at masyado siyang bilib sa sarili. May pagka narcissistic talaga siya. Kaya pala pagkatapos niyang makikipag eyeball sa mga naunang textmates niya ay naglalaho ang mga ito na parang bula n at hindi na nagpaparamdam muli.
Tinanong ni Janine kung saan ang naroron si Gelo at kung ano ang suot nito. Nasa harap raw ito ng isang pharmacy. Nakasuot raw ito ng kulay asul na shirt at may dala-dala raw itong bulaklak para sa kanya. Kinilig naman si Janine nang nalaman nitong may dala itong bulaklak para sa kanya. Dali-dali niyang pinuntahan ang kinaroroonan ng lalaki. Ngunit hindi muna siya nagpahalata. Minasdan muna niyang mabuti ang lalaki. “Ang gwapo!” sambit niya sa sarili at nag mamadali siyang lapitan ito.
Ngunit natigilan siya sa nakita. Lumakas ang kabog ng dibdib niya na tila iyon tinatambol. Bago siya nakalapit kay Gelo ay inunahan siya ng isang babae sa paglapit nito sa textmate! Nakita niyang binigay ni Gelo ang dala-dala nitong bulaklak sa babae. Ang nakapagtataka ay kamukhang-kamukha niya ang babae. Nakasuot din ito ng kulay pulang blusa at kulay berdeng skirt kagaya sa kanya. Napuno rin ng palamuti ang buhok nito at ang puti ng mukha nito! Naka suot din ng hikaw ito na kulay dilaw na hanggang balikat.
Umakbay pa si Gelo dito habang lumalakad ang mga ito papalayo. Lumingon pa ang babae sa kinaroroonan niya at ngumiti sa kanya, waring nang-iinggit. Ang pangit palang tingnan ng ayos ng babae. Muntik na niyang makalimutan na kamukhang-kamukha nga pala niya ang babae. Siya nga pala ang babaing iyon! Kinikilabutan siya sa naiisip. Pero paanong nangyari iyon? Andito siya ngayon sa mall para makipag eyeball kay Gelo? “Ako ang totoong Janine at hindi ang impostor na babaing iyon!”aniya sa sarili.Palihim na sinundan niya ang dalawa. Naglakad ang mga ito patungong exit. May balak na lumabas ang dalawa sa mall na iyon. Sinundan pa niya ang mga ito hanggang labasan. Nakita niyang tila nag-aabang ng taxi ang dalawa. Hindi na niya napigil ang sarili, pinuntahan niya ang mga ito sa kinaroroonan at kinumpronta niya ang mga ito.“Hoy, miss! Sino ka ba at bakit mo ginagaya ang mukha at ayos ko? Sinulot mo pa ang textmate ko!”Hindi kumibo ang babae…“Gelo, ako ang textmate mo at hindi ang impostor na iyan!”Napakunot-noo ang lalaki sa pinagsasabi niya.“A-ah miss, hindi ka namin kilala, mawalang-galang na at nagmamadali kami,” wika ng lalaki sabay para sa paparating na taxi.Nakita pa niya kung papaano nito inalalayan ang babaing impostor sa pagsakay ng taxi. Nang umandar na ang taxi, laking gulat ni Janine nang tingnan niya ang babae. Ang ulo nito ay tila ulo ng isang demonyo, kulubot ang sunog nitong mukha at may sungay! Tila nag-aapoy ang mga mata nitong nakatitig sa kanya. Tumakbo si Janine pabalik sa loob ng mall. Hindi niya alam ang gagawin. Hindi niya alam kung saan siya pupunta. Wala sa isip na tinahak niya ang daan patungong comfort room. Sinundan siya ng tingin ng mga nagtatakang tao na nakasalubong niya. Tila may kinatakutan si Janine na ‘di mawari. Nahahapong narating niya ang loob ng cr. Humarap siya sa salamin at pinagmasdang mabuti ang sarili. Pinunasan niya ang pawis niya. Inalis niya ang pula na lipstick sa bibig. Tinanggal niya ang kulay dilaw na hikaw sa tenga. Pinagtatanggal din niya ang iba’t-ibang kulay ng palamuti na nasa buhok niya. At saka siya napahinga ng malalim. Pagkuway, tahimik na sinuklay ang mahaba niyang buhok. Hinagod niya ng tingin ang kabuoang hitsura ng mukha niya. “ Hindi na sobrang puti ang mukha ko at natanggal na rin ang napakapulang lipstick ko,” sabi niya sa sarili. Tumingin siya uli sa repleksiyon niya. Nagulat siya at muntik ng mapasigaw sa nakita. Ang repleksiyon ng mukha niya sa salamin ay nakangiti, samantalang seryosong-seryoso naman siyang inaayos ang sarili sa harap ng salamin! Nakakalokong ngiti pa ang nakita niya sa kanyang repleksiyon. Tila nais niyang mawalan ng ulirat sa mga oras na iyon. Pero pilit niyang linabanan ang takot. Pumikit siya at nagdasal. Subalit, naririnig niya ang boses ng isang babae na kumukuros sa mga dinarasal niya. Unti-unti niyang idinilat ang mga mata niya. Hindi sigurado kung ano ang susunod na mangyayari. Nakangiti pa rin ang repleksiyon niya sa salamin at patuloy na nagdarasal. Hindi na niya nakayanan ang takot. Bigla siyang nawalan ng balanse at natumba. Nawalan siya ng malay-tao. Pinag-uumpukan naman siya ng mga usyosero.
Dinala siya ng isang guwardiya sa clinic ng mall na iyon. Nang nagkamalay siya ay pinasya niyang umuwi na lamang. Hindi niya alam ang mga nangyayari sa kanya ng araw na iyon. Nakadama siya ng takot nang maalala niya ang doble niya. Ano kaya ang ibig ipahiwatig noon? Hindi naman siya namamalik-mata. At lalong hindi siya naka droga. Kinikilabutan din siya ng maalala ang repleksiyon niya sa salamin. Sa tanang buhay niya ngayon lang siya nakaranas ng mga ganung pangyayari.
Ipinagtapat ni Janine kay Kathy ang mga nararanasan niya kani-kanina lamang. Nagtaka siya kung bakit hindi man lang ito nabigla.
“Doppelganger mo ang nakita mo kanina..”mariing wika nito.“Doppelganger? Anong ibig mong sabihin?” “Ibig sabihin ay siya ang ka doble mo. Tayong mga tao ay may kanya-kanyang doppelganger. Mag-iingat ka dahil posibleng may masamang mangyayari sa iyo,” paliwanag ni Kathy.“Pwede mo bang ipaliwanag pa kung ano ang iyong ibig ipahiwatig, Kat?”“Base sa mga naririnig kong kuwento, kapag nakikita mo ang sarili mong doppelganger ay senyales iyon ng nakaambang kamatayan mo,” sagot ni Kathy.“Susmaryosep!” natutop niya ang kanyang dibdib sa narinig. Ibig niyang paniwalaan ang mga sinasabi ng kaibigan subalit hindi siya mapamahiing tao. Siguro, wala talaga eksaktong explanation ang nangyari sa kanya kanina. “Kaya mag-ingat ka Jan, wala namang masama kung maniwala ka, ‘di ba?” paalala ng kaibigan. Napa-oo na lang siya sa kaibigan. “At saka bawas-bawasan mo muna ang pakikipag-eyeball mo sa mga textmates mo. Baka premonisyon na ang mga nangyayari sa iyo,” dagdag pa ng kaibigan. Tumango na lamang si Janine. Tama naman ang kaibigan niya.Nakalipas ang ilang linggo, pagkatapos ang nangyaring kababalaghan sa kanya ay balik na sa normal ang buhay ni Janine. Wala namang masamang nangyari sa kanya, ito pa nga siya buhay na buhay at sumisipa.“TOTOT! TOTOT” tumong ang cellphone niya.Eksayted na binuksan ni Janine ang mensahe. “Meet me tom at 2pm sa may park.”ang sabi sa natanggap na message. Galing iyon kay Bacon, 3 days pa lang niyang ka textmate. Matamis ang ngiti na nireplayan niya ang text nito. “Xur! See u der.”Haaayyy, eksayted na naman siya. Parang sumabog ang dibdib niya sa sobrang excitement. Pangalan pa lang ay ulam na! “Siguro ay gwapo siya dahil ang ganda ng boses niya nang tumawag siya sa akin kahapon,” kinikilig na sabi ni Janine sa sarili. Hindi pa talaga nadala si Janine at kinalimutan na nito ang tungkol sa doppelganger niya. Wala naman sigurong masama kung maniwala man siya pero mas pinaiiral pa niya ang kagustuhang makipagkita sa bago niyang textmate. “Hoy, Janine! Bumalik ka nga rito!” sigaw ni Kathy.Subalit, tuloy-tuloy lang sa paglalakad si Janine na tila walang naririnig. Ni hindi man lang nito nilingon ang nagmamalasakit na kaibigan.Ipinagbilin na naman kasi nito kay Kathy ang binabantayang botik ng tiyang nito. Makikipag -eyeball na naman raw sa bagong textmate nito“Tsk! Tsk! Tsk!,” napapailing-iling na lang si Kathy sa ginawi ng kaibigan. Parang lalong tumigas ang ulo nito. Akala kasi niya ay tuluyan ng nagbago ang kaibigan dahil ilang linggo na rin itong hindi lumalabas upang makikipag-eyeball. Pero heto’t bumalik na naman sa ‘di kanais-nais na gawi. “Bahala na nga lang siya,” anito sa isip ni Kathy.Nakatuon ang lahat ng atensiyon kay Janine sa loob ng jeep nang siya ay sumampa dito. Pinagtitinginan siya ng mga ito hanggang siya ay makahanap ng puwesto. Nagtaka siya sa mga naroroon. Meron bang hindi maganda sa hitsura at ayos niya? Wala naman siguro dahil hindi na makapal ang pulbo na nilagay niya sa mukha. Wala na ring abubot ang buhok niya. At higit sa lahat, hindi na niya isinuot ang kulay dilaw na hikaw na hanggang balikat ang haba. Tahimik na lamang siyang naupo.
“I-ineng, huwag ka na lang tumuloy sa destinasyon mo, kanina kasi pagdating mo ay nakita ka naming walang ulo,” sabi ng babaing matanda sa kanya.
“Oh my God!” natutop ang dibdib na bulalas niya.“Umuwi ka at sunugin mo ang suot mong mga damit pagdating mo sa inyo,” dagdag pa ng matandang babae. Kahit naman hindi nagbigay na kahit na anong explanation ang matanda ay alam niya ang ibig sabihin ng pamahiing iyon. May masamang mangyayari sa kanya.Pero likas na ‘di mapamahiing tao si Janine kaya ipiniwalang-bahala na lang niya ang mga sinasabi ng matanda. “Manong, para ho sa tabi!”“D2 na me, wer na u?” anito ni Bacon sa text. Binasa niya ang mensahe nito habang tumatawid siya sa gitna ng daan. Sa sobrang pagmamadali, ay hindi na siya nag-abala pang tingnan ang magkabilang sides ng daan. Nang biglang, may narinig siyang papalapit na rumaragasang sasakyan. Nabitawan niya ang cellphone niya. Huli na ang lahat para iwasan ni Janine ang 10 wheelers truck na iyon. Pumikit na lamang siya. Ni hindi na niya magawang mag usal ng panalangin dahil napakabilis ng pangyayari. Hindi na rin kasi na kontrol ng drayber ang minamanehong sasakyan. Kahit idiniin pa nito ang break ay hindi ito huminto. Hindi naiwasan ng drayber si Janine dahil na rin sa sobrang laki ng 10 wheelers truck na minamaneho nito, mahirap itong kontrolin. B-BLAG!! “Ang babae! Nasagasaan ang babae!,” sigaw ng isang pasahero na nasa jeep.Isa-isang nanaog ang lahat ng pasahero sa jeep na sinasakyan niya kanina at humahangos na pinuntahan ang kinaroroonan ng aksidente.“Susmaryosep!” bulalas ng matandang babae na katabi ni Janine kanina sa jeep. Nakita nilang nagkakahiwa-hiwalay ang iba’t-ibang bahagi ng katawan ni Janine sa kalsada. Basag ang bungo at nakaluwa ang utak nito. Ang mga laman-loob nito ay nakakalat sa kalsada tulad ng atay at bituka. Nahiwalay din rito ang isang mata at pagulong-gulong pa na napunta sa paanan ng isang babae.“Ahhhhhhhhhh!!” sigaw ng babae. Hindi na nakayanan ng mga nakikiusyusong tao ang kagimbal-gimbal na tanawing nasaksihan nila. Ang iba ay sumusuka at ang iba naman ay dali-daling nagsipag-uwian. Kung naniwala lang sana si Janine sa mga premonisyon nito ay hindi nito sasapitin ang masamang nangyari sa kanya. Kung sinunod lang sana niya ang mga payo ng kaibigang si Kathy disin sana’y buhay pa siya ngayon.
Wakas
No comments:
Post a Comment