Powered By Blogger

Friday, October 21, 2011

Doppelganger

Sa isang unibersidad, mayroong dalawang matatalik na magkaibigan. Sila ay si Gwenn at Karen, Nursing students at nasa pangatlong taon na nila. Sa araw na iyon, sinabi ng Clinical Instructor nila na meron silang Medical Mission sa isang hospital bukas at ang tagpuan nila ay sa labas ng unibersidad, sa may waiting shed, alas sais ng umaga. Hinahabol ng mga estudyante na mapuno ang mga cases nila upang pagdating ng 4th year ay wala na silang problema sa cases at maaari ng grumadweyt. Kinubukasan, dinaanan ni Gwenn ang kaibigang si Karen sa boardinghouse nito. Nakaugali-an na kasi ng isa na dumaan kay Karen para sabay na silang lumakad papuntang unibersidad. “Karen! Karen!,” sigaw ni Gwenn, habang kumakatok sa pintuan ni Karen. “Yes, Gwenn, ikaw na ba ‘yan?” tugon naman ni Karen. “Oo, pakibukas ng pinto”, sagot ng isa. “Saglit lang at nagbibihis pa ako”, ani Karen. “Okay, sige”, tugon ni Gwenn. Ilang minuto pa ay bihis na si Karen at pinapasok na rin nito ang kaibigan . “Bilisan mo naman Karen, mahuhuli na tayo sa Medical Mission, maglalakad pa tayo papuntang waiting shed at mag aalas sais na,” sabi ni Gwenn habang nakatingin sa relos nito. “Oo, Gwenn, malapit na ito, saglit nalang”, sagot ni Karen habang nag-aayos ng buhok. 50 metros ang distansya ng boardinghouse ni Karen sa unibersidad na pinapasukan nila. Nang nasa 45 metros na ang nalakad ng dalawang magkaibigan, nasalubong nila ang kaklase nilang si Jane, nakasakay ito sa kulay pulang traysikel, naka uniporme din ito, naka ayos ang buhok at nakalagay ang backpack sa may paanan. Kumaway at ngumiti ito sa kanila at ginantihan din nila ito ng ngiti at kaway. “Naku, sabi ko na nga ba ma li-late tayo, bakit sumakay na ng traysikel si Jane palabas? Baka late din iyon, bilisan natin, lagot tayo sa CI natin pag nagkataon,” sabi ni Gwenn habang binilisan ang paghakbang. Napaka istrikto kasi ng CI nila, at pinapagalitan kung sino man ang ma li-late at di lang iyon, meron pang multa kung sino man ang ma late o lumiban na walang balidong rason sa kanilang kurso. Pag dating nila sa waiting shed, andun narin mga kaklase nila. Nakita nila si Jane, naglakad palabas ng waiting shed at nag-aabang ito ng traysikel. Naka uniporme din ito, naka ayos ang buhok at naka backpack. Nagtatakang nagkatinginan ang dalawang magkakaibigan at sabay sigaw, “Jane! Saan ka pupunta?” “Uuwi na muna ako, itim ang kulay ng pang loob ko eh, bawal daw, bihis lang muna ako, babalik ako kaagad”,sagot naman ni Jane habang kumakaway ng traysikel. Kulay pulang traysikel din ang napara nito at eksaktong-eksakto ang diskripsyon ng traysikel ang kanina lang na nasalubong ng magkaibigan. “Jane! Kanina ka pa ba dito sa waiting shed?! Hindi ka ba umalis?, pasigaw na tanong ni Karen kasi aktong aandar na ang traysikel. “Oo kanina pa ako, mga 30 minutes na, ngayon pa lang ako aalis, bakit ba?”, pasigaw namang tugon ni Jane. “Ah wala, sige na”, sagot naman ni Karen habang tumindig ang balahibo sa pag-iisip kung sino ang nakasalubong nila ni Gwenn kanina lang. Hawig na hawig nito, Jane na Jane talaga ang mukha pati ang traysikel drayber at ang traysikel nitong sinakyan. “Kanina lang ba si Jane dito sa waiting shed?”, tanong ni Gina sa isang kaklase nitong si Dave. “Oo, kanina lang, mas una pa sa akin dumating eh”, sagot naman ni Dave. Muling nagkatinginan ang magkaibigan….
Kung hindi si Jane ang nasulubong nila kanina lang, sino iyon? Meron talagang mga bagay na hindi maipapaliwanag ng anumang siyensiya dito sa mundong ibabaw. Bakit dalawa yata ang Jane? Nakakatakot mang isipin pero iyon ang reyalidad na nasaksihan ng dalawang magkaibigang Gwenn at Karen. Ano kaya ang nakakatakot? Kung ikaw ang nakasaksi o ikaw ang ginagaya ng sinumang nilalang na iyon?


Wakas

No comments:

Post a Comment